Home NATIONWIDE Balog-Balog project pinabibilis ni PBBM sa pagpapalawak ng irigasyon sa Central Luzon

Balog-Balog project pinabibilis ni PBBM sa pagpapalawak ng irigasyon sa Central Luzon

3
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Irrigation Administration na paspasan ang konstruksyon ng Balog-Balog Multi-Purpose Project (BBMP) Phase II upang mapakinabangan ng mga magsasaka sa Central Luzon.

Bilang kinatawan ng Pangulo, pinangunahan ni NIA Administrator Eduardo “Eddie” G. Guillen ang pag-inspeksiyon sa P20.544-bilyong proyektong pang-imprastraktura na inaasahang magbibigay ng irigasyon sa 34,410 ektarya ng sakahan at pakikinabangan ng 21,776 magsasaka.

Bukod dito, sinabi ni Guillen na makalilikha ang proyekto ng 43.5 megawatts ng renewable energy para sa mga taga-Central Luzon.

“Ang mindset ng Presidente ay hindi ang kulay ng politika, kundi ang pinakamahalaga ay ang kapakinabangan para sa interes ng taumbayan,” ani Guillen.

Sinabi ni Guillen na nakatuon ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng bansa at sa pagpapatupad ng mga proyektong direktang magpapabuti sa buhay ng mga magsasaka at mga komunidad sa kanayunan.

Inilarawan din ni Guillen ang Balog-Balog project bilang isa sa pinakamahirap na proyektong isinagawa ng NIA na sinimulan  sa feasibility study at pinondohan ng World Bank mula 1978 hanggang 1980 bilang bahagi ng pagsuporta sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Central Luzon.

Inaprubahan ito ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong 1988 na may halagang P2.712 bilyon, kabilang ang US$85 milyong pautang mula sa pamahalaan ng Italya.

Pero nasira ang ilang bahagi nito matapos pumutok ang Bulkang Pinatubo noong 1991, pero pinondohan ng pamahalaan para maibalik ang operasyon nito.

Sa ilalim ng Phase I, na ipinatupad mula 1999 hanggang 2012, naibalik at napahusay ang serbisyo ng irigasyon sa 12,475 ektarya ng sakahan na pinakinabangan ng 7,340 magsasaka sa Tarlac.

Kabilang din sa mga isinagawa ang rehabilitasyon ng mga pasilidad ng irigasyon, pagpapaganda ng ilang bahagi ng North Main Canal, pagpapahusay ng Conveyance Canal at SMORIS irrigation systems, at pagpapataas ng mga Ogee structure ng Tarlac Diversion Dam.

Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng Balog-Balog Dam at mga kaugnay nitong istruktura na may kapasidad na mag-imbak ng 559 milyong cubic meters ng tubig, 313.10 kilometro ng mga irrigation canal at drainage facilities, isang 150-ektaryang fishery component, at isang 43.5-megawatt hydropower facility.

Sa ngayon, ayon sa NIA, umabot na sa 45.79 percent ang natapos na sa konstruksyon. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here