Home NATIONWIDE Malakanyang, pinawi ang pagdududa ng mga abogado ni VP Sara ukol sa...

Malakanyang, pinawi ang pagdududa ng mga abogado ni VP Sara ukol sa kawalang-kinikilingan na imbestigasyon ng NBI

1
0

MANILA, Philippines – Binasura ng Malakanyang ang pagdududa ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) para makapagsagawa ng isang impartial investigation sa alegasyon ng pagbabanta laban kay Pagulong Ferdinand Marcos Jr. dahil ang bureau ay nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ), kung saan bahagi ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat maintindihan mismo ng mga defense lawyers ang legal mandate ng NBI. Kinuwestiyon ni Castro kung bakit ngayon lang pinag-iingay ng defense lawyers ang usaping ito.

“Unang-una naman, lawyer naman sila at alam naman nila kung ano ba ang mandato ng NBI at alam naman nila na ito ay nasa Department of Justice,” ani Castro.

Binigyang diin ni Castro na ang usapin ay hinggil sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng ahensiya ukol sa sinabi ni Vice President, kung saan ang kanyang mga sinabi ay ‘publicly available.’

“So saan sila duda doon? Kasi hindi naman maikakaila na totoo naman nagkaroon ng pagsasalita at pagbabanta ang Bise Presidente laban sa Pangulo, kay First Lady at kay dating House Speaker,” ani Castro.

Binigyang diin pa ni Castro na napanood at narinig na ng taumbayan ang pahayag na ito ni VP Sara.

“So ano pang ikakaila doon? Kitang-kita na ng taumbayan kung ano ba ang ginawa ng Bise Presidente. So ano pa ang masasabi nilang duda sa pag-iimbestiga? Kasi kung duda sila, dapat noon pa sila nagreklamo,” ang winika nito.

Ang pahayag na ito ni Castro ay tugon sa argumento na pinalutang ng defense panel ni VP Sara habang isinasagawa ang Senate impeachment trial, kung saan kinuwestiyon ng mga ito ang impartiality ng NBI investigation dahil ang bureau ay attached sa DoJ na nasa ilalim ng Office of the President.

Lumutang ang usapin nang ipresenta ng prosekusyon si NBI-BARMM Regional Director Jeremy Lotoc bilang isang testigo, araw ng Lunes. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here