MANILA, Philippines — Humarap nitong Martes, Hulyo 14, si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan Second Division kaugnay ng pagdinig sa hiling na maalis ang kanyang pangalan sa kinahaharap na graft case matapos siyang pumayag na maging state witness.
Noong Hunyo 29, naghain ang mga state prosecutor ng Motion for Leave to File Amended Information upang alisin si Bonoan bilang akusado sa kaso. Kabilang sa kanyang mga co-accused sa graft case si Sen. Jinggoy Estrada.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na makatutulong ang kaalaman ni Bonoan bilang dating opisyal ng DPWH upang mapatunayan ang iba pang mga kasong iniimbestigahan ng Ombudsman.
Bukod sa graft case, nahaharap din si Bonoan sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong anomalya kasama rin si Estrada. Naghain na rin ang mga state prosecutor sa Sandiganbayan Fifth Division ng mosyon upang alisin si Bonoan bilang akusado sa naturang kaso.
Dahil sa nakabinbing mosyon, ipinagpaliban ang arraignment nina Estrada at Bonoan na nakatakda sana noong Hunyo 30 at inilipat ito sa Hulyo 28. RNT/MDS