MANILA, Philippines – Umabot sa 812 miyembro at tagasuporta ng New People’s Army (NPA) ang “neutralized” mula Enero 1 hanggang Hulyo 9, 2026, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang “neutralized” ay terminong militar na tumutukoy sa pagsuko, pagkakaaresto o pagkamatay ng mga kalabang pwersa.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City na 720 ang sumuko, 32 ang naaresto at 60 ang napatay sa iba’t ibang operasyong militar sa buong bansa.
Narekober o nasamsam din sa kaparehong panahon ang 564 armas at 229 anti-personnel mines, habang 33 kampo ng NPA ang nakubkob.
“Bawat armas na naisuko ay isang buhay na maaring mailigtas,” pahayag ni Padilla.
Dagdag niya, sa bawat communist insurgent na sumusuko, isang pamilya ang muling nabibigyan ng pagkakataong mabuo at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Sa buong 2025, iniulat ng AFP na 2,018 miyembro at tagasuporta ng NPA ang na-neutralize. Sa bilang na ito, 1,798 ang sumuko, 93 ang naaresto at 127 ang napatay sa mga operasyong militar sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Narekober o isinuko rin noong 2025 ang 1,134 armas at 531 anti-personnel mines, habang 149 kampo ng NPA ang nakubkob. Dave Baluyot