Home METRO Masbate kinuyog ng 54 na lindol; mga residente pinag-iingat

Masbate kinuyog ng 54 na lindol; mga residente pinag-iingat

4
0

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng earthquake swarm na binubuo ng 54 pagyanig sa karagatan malapit sa Claveria, Masbate, kaya pinag-iingat ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa baybayin, laban sa posibleng lokal na tsunami.

Ayon sa Department of Science and Technology-Phivolcs, naitala ang mga lindol mula alas-8:52 ng umaga noong Hulyo 13 hanggang alas-4 ng hapon noong Hulyo 14. Lima sa mga pagyanig ang naramdaman sa Intensity V batay sa Phivolcs Earthquake Intensity Scale.

“Ang mga lindol ay may lakas na Magnitude 1.6 hanggang 5.4 at lalim na 1 hanggang 45 kilometro,” ayon sa ahensya.

Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang earthquake swarm ay “a series of earthquakes that are closely clustered in space and time, without a clearly defined pattern.”

Hindi tulad ng karaniwang malakas na lindol na sinusundan ng mga aftershock, walang malinaw na pangunahing pagyanig o mainshock sa earthquake swarm at “may persist for days, weeks, or, in some cases, even longer.”

Binigyang-diin ng ahensya na ang earthquake swarm ay “may or may not lead to stronger earthquakes.” Bagama’t walang katiyakang susundan ito ng mas malakas na lindol, pinayuhan ang mga residente na maghanda ng emergency supply kits, alamin ang pinakaligtas at pinakamabilis na evacuation routes, at tandaan ang duck, cover, and hold kapag lumindol.

Muling ipinaalala sa mga komunidad sa baybayin ang mga natural na babala ng posibleng lokal na tsunami, kabilang ang malakas at matagal na pagyanig o “shake,” hindi pangkaraniwang pagbaba o paggalaw ng tubig-dagat o “drop,” at malakas na dagundong mula sa karagatan o “roar.”

“If you observe any of these signs, immediately move to higher ground,” ayon sa Phivolcs.

Hinimok din ang publiko na sundin ang mga tagubilin ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at ang mga opisyal na abiso ng DOST-Phivolcs.

Tiniyak ng ahensya na patuloy nitong babantayan ang seismic activity sa lugar at maglalabas ng mga update sa website at opisyal nitong social media accounts. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here