MANILA, Philippines – May natukoy nang person of interest ang Philippine National Police sa pagpatay sa American marine scientist at businessman na si Kent Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental.
Bumuo rin ang PNP ng special investigation task group upang imbestigahan ang pamamaril at pagpatay kay Carpenter sa kanyang bahay noong Hulyo 12.
Ayon sa pulisya, nanonood ng telebisyon ang 73-anyos na si Carpenter nang pasukin ng tatlong suspek ang kanyang bahay at pagbabarilin. Ang kanyang kasama ay umano’y iginapos at ginahasa.
Hinalughog din ng mga suspek ang bahay at tinangay ang ilang gamit bago tumakas.
“May mga kinuha na mga gamit doon, laptop, some cash and isang backpack containing some IDs. ‘Yun lang po then umalis na ‘yung mga salarin,” pahayag ni Police Col. Allan Rae Co ng PNP Public Information Office.
Ayon sa PNP, isa ring negosyante si Carpenter na bumibisita sa Pilipinas mula pa noong 1975.
Sinisilip ng mga imbestigador ang ilang posibleng motibo, kabilang ang kanyang trabaho, personal na buhay, negosyo at pagnanakaw.
“It could be connected doon sa kanyang trabaho, pwedeng sa personal life, pwedeng sa business,” ani Co.
“‘Yun po titingnan natin lahat or it could be normal talagang robbery lang,” dagdag niya.
Tumanggi naman ang PNP na linawin kung ang person of interest ay kabilang sa tatlong lalaking pumasok sa bahay o posibleng utak sa krimen.
Isang marine biologist si Carpenter na tumestigo hinggil sa mapanirang pangingisda sa West Philippine Sea sa arbitration case na kumilala sa exclusive economic zone ng Pilipinas at nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China noong 2016.
Kabilang din siya sa mga nagsagawa ng pag-aaral na kumilala sa Verde Island Passage sa pagitan ng Southern Luzon at MIMAROPA bilang “Center of marine shore fish diversity” sa buong mundo. Aktibo rin niyang itinaguyod ang konserbasyon nito.
Sinabi ni maritime law expert Atty. Jay Batongbacal na matagal nang bahagi si Carpenter ng Philippine scientific community at ng mga marine conservation program at proyekto sa bansa.
“For this to happen on the evening of the 10th anniversary of the arbitration he helped the country win is just shocking. Whoever the perpetrators are, they must be brought to justice,” pahayag ni Batongbacal. Mary Anne Sapico