Home METRO Resort sa Zambo binatikos sa pagkitil sa mga asong gala

Resort sa Zambo binatikos sa pagkitil sa mga asong gala

4
0

MANILA, Philippines – Umani ng batikos ang isang resort sa Zamboanga City matapos kumalat ang video ng umano’y pagpatay ng isang empleyado nito sa asong gala.

Ayon sa nag-upload ng video na si Ann Heneral, nakarinig sila ng kakaibang ingay mula sa mga aso bago umalingawngaw ang dalawang magkasunod na putok. Makikita sa video ang isang lalaki na hinihila gamit ang tali ang wala nang buhay na aso.

Sinabi ni Barangay Bolong Chairman Ruben Coros na agad niyang pinuntahan ang resort matapos makita ang social media post noong Biyernes ng gabi. Ilang beses na umanong humingi ng tulong ang may-ari ng resort sa barangay upang hulihin ang mga asong gala na naaakit sa mga tirang pagkain ng mga beachgoer.

Nagpahiram din umano ang barangay ng cage sa resort na maaaring paglagyan ng mga nahuhuling aso. Gayunman, sinabi ni Coros na hindi niya alam kung bakit hindi humingi ng tulong ang resort management sa pinakahuling insidente.

Batay sa pakikipag-usap ni Coros sa resort supervisor, isang empleyado umano ng resort ang bumaril sa mga aso gamit ang airsoft gun. Sinibak na umano ng management ang naturang empleyado dahil sa insidente.

Nakatakda namang maghain si Konsehal BG Guingona ng resolusyon sa sesyon ng konseho sa Miyerkules upang kondenahin ang umano’y animal cruelty. Nais din niyang ipaimbestiga ang insidente sa City Veterinary Office at Philippine National Police.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Arcadio Cavan Jr., sa ilalim ng Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998, maaaring hindi sapat ang video lamang upang maisulong ang kaso. Kailangan din umanong tumestigo ang mga nakasaksi sa pang-aabuso sa mga aso. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here