Nagkaisang nagpahayag ng suporta ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Las Piñas sa panukalang Las Piñas City Safe Schools and Child Protection Ordinance of 2026, isang komprehensibong hakbang na naglalayong palakasin ang kaligtasan, proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Ang panukala ay inihain ni Education Committee Chairperson Councilor Alelee Aguilar sa sesyon ng Konseho ng Lungsod noong Martes, Hulyo 14.
Ayon sa konseho, layunin ng ordinansa na magtatag ng mas matibay na sistema para sa child protection, pangangalaga sa mental health ng mga mag-aaral, pagpigil sa bullying at iba pang uri ng karahasan sa paaralan, kasunod ng mga nagdaang insidente ng school bullying, karahasan ng kabataan at pamamaril sa mga paaralan na nagdulot ng pangamba sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang integrated school safety framework na kinabibilangan ng mas pinalakas na child protection mechanisms, school-based mental health at psychosocial support services, behavioral threat assessment teams, anonymous reporting system para sa mga insidente ng karahasan at pang-aabuso, violence prevention programs, at restorative justice interventions para sa mga kabataang nangangailangan ng agarang suporta at rehabilitasyon.
Itatatag din ang Las Piñas City School Safety and Student Wellness Council, na mangunguna sa koordinasyon ng mga programa at polisiya sa pagitan ng mga paaralan, barangay, mga magulang, law enforcement agencies, health professionals at iba pang sektor ng komunidad.
Sinabi ni Aguilar na ang panukalang ordinansa ay nakabatay sa isang preventive, child-centered at whole-of-community approach, kung saan binibigyang-diin ang maagap na interbensyon, aktibong partisipasyon ng pamilya, at rehabilitasyon ng mga batang nalalagay sa panganib, kasabay ng pagpapanagot sa mga lumalabag.
“Kung tunay nating nais na maging ligtas ang ating mga paaralan, kailangan nating mamuhunan hindi lamang sa seguridad kundi pati sa mental health ng ating mga kabataan, tamang pagpapahalaga at matibay na pagtutulungan ng pamilya, paaralan, pamahalaan at komunidad. Karapatan ng bawat bata na makapag-aral sa isang kapaligirang malaya sa takot, karahasan at bullying,” ani Aguilar.
Kapag naaprubahan, inaasahang magiging isa ang ordinansa sa pinakamalawak at pinakakomprehensibong lokal na polisiya sa bansa na nakatuon sa school safety, child protection at student wellness. (James I. Catapusan)