Home NATIONWIDE Ancestral land ng Aetas na ginawang dumpsite, pinaiimbestigahan ni Padilla

Ancestral land ng Aetas na ginawang dumpsite, pinaiimbestigahan ni Padilla

2
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senator Robinhood Padilla ng resolusyon na humihiling ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y paggamit sa bahagi ng ancestral domain ng mga Aeta sa Sitio Tibag, Subic, Zambales bilang tapunan ng basura.

Sa Senate Resolution 513, hiniling ni Padilla, chairperson ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, na tukuyin ang mga responsable sa umano’y operasyon ng landfill, rehabilitahin ang lugar, at palakasin ang mga batas na nagpoprotekta sa Indigenous Peoples at kanilang mga lupang ninuno.

“Ang lupang ninuno ay hindi bakanteng lupang maaring gawing tapunan ng basura. Ito ay tahanan, kabuhayan, kasaysayan at pagkakakilanlan ng ating mga katutubo. Hindi maaring isantabi ang kanilang karapatan sa ngalan ng kaginhawaan o kapabayaan ng sinumang opisyal,” pahayag ni Padilla nitong Martes.

Binanggit sa resolusyon ang isang television documentary na ipinalabas nitong Lunes na nagsasabing ginagamit umano bilang dumpsite ang bahagi ng ancestral domain mula pa noong 2019.

Kabilang umano sa mga basurang itinapon sa lugar ang mga gamit na face mask, personal protective equipment at iba pang basurang kaugnay ng Covid-19 pandemic. Sinabi rin ng mga residente na kontaminado umano ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng tubig, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.

Tinukoy din ni Padilla ang isang imbestigasyon ng Department of Environment and Natural Resources noong 2022, na iniulat na nag-utos sa munisipalidad ng Subic na itigil ang operasyon ng dumpsite hanggang 2025.

Ayon sa senador, ginagarantiyahan ng 1987 Constitution at Republic Act 8371, o Indigenous Peoples’ Rights Act, ang proteksiyon sa mga katutubo at kanilang ancestral lands. Binigyang-diin din niya na ipinagbabawal ng Republic Act 9003, o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ang operasyon ng open dumpsites. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here