MANILA, Philippines – Matinding kinastigo nina Senator-judges Robin Padilla, Alan Peter at Pia Cayetano ang statements ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na kanyang paiimbestigahan ang sinasabing anomalya sa bidding at pagpopondo sa proyekto para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Sa pagsisimula ng ikaanim na araw ng impeachment trial, ipinalutang ni Padilla ang serye ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa ilang senator-judges habang nagsasagawa ng impeachment trial ang Senado.
“Ito po ba ay eksakto lang o ito po ba mayroon dapat tayong pangambahan?” tanong ni Padilla.
“Hindi po ba tayo ay malayang korte? Tayo po ay may karapatan na binibigay ng Konstitusyon na magsagawa ng pagdinig na ito,” dagdag niya.
Kasalukuyang nakakulong sina Senador Jinggoy Estrada and Rodante Marcoleta sa magkahiwalay na kasong plunder.
Samantalang nagtatago naman si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Cayetano, nagsilbing chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na nag-organisa ng 2019 SEA Games, na walang ibang layunin ng imbestigasyon kundi takutin siya bilang senator-judge sa impeachment.
“It’s not easy. 24 lang kami. Nabawasan na ng tatlo. So, I hope this issue of the integrity of the court becomes an issue for all of us,” giit ni Cayetano.
“I’ll repeat what I said when I was Senate President—Director, hindi mo kami natibag. So, ‘wag mo try tibagin itong representation na ‘to o itong impeachment court because what you’re doing is not helping,” aniya.
Matatandaan na ipinahayag ni Matibag na nakatanggap ng bagong impormasyon ang NBI kabilang ang mga dokumento hinggil sa Pagkakasangkot ng PHISGOC, na gumastos ng bilyon sa SEA Games Sports Complex.
Aniya, may isang pribadong kampanya na nakatanggap ng P10 bilyon sa pamamagitan ng “congressional insertions.”
Bukod dito, nagbanta din si Matibag na susuriin din ng NBI ang P50-million 2019 SEA Games cauldron project.
Kasabay nito, tumindig din si Senator-judge Pia Cayetano upang ipagtanggol ang nakababatang kapatid sa pagsasabing “ginugulo” ng NBI ang kanyang kapatid sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa impeachment trial.
“There is no jurisdiction in the world that allows a judge to be pressured and intimidated,” ayon kay Pia Cayetano.
“And I ask each one of you, my dear colleagues–Payag ba tayo sa ganito? Ganito na ba tayo dito ngayon? Don’t we want a better country for our children? Why would you allow a Director, who was just called to be a witness next week, brag that he’s going to investigate?”
Nakatakdang humarap si Matibag sa Lunes, Hulyo 20 bilang testigo ng House prosecution panel sa paglilitis kay Duterte hinggil sa kasong grave threats at pagpatay kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez. Ernie Reyes