MANILA, Philippines – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pinakamababang sulfur dioxide (SO₂) emissions ng Bulkang Taal ngayong taon, bagama’t nananatili pa rin itong nasa Alert Level 1.
Sa pinakahuling volcano bulletin ng Phivolcs, umabot lamang sa 59 metric tons ang sulfur dioxide na ibinuga ng Main Crater sa nakalipas na 24 oras.
Umabot sa 600 metro ang taas ng volcanic plume bago ito tinangay ng hangin patungong hilaga-hilagang-silangan.
Malaki ang ibinaba nito kumpara sa 542 metric tons na naitalang arawang average mula Hulyo 10 hanggang 14.
Nalampasan din nito ang naunang pinakamababang naitala ngayong taon na 78 metric tons noong Enero 1 hanggang 8.
Samantala, ang pinakamataas na sulfur dioxide emission ngayong taon ay naitala noong Hunyo 4 na umabot sa 5,287 metric tons.
Nananatili ring mababa ang volcanic activity matapos makapagtala ang Phivolcs ng isang volcanic earthquake lamang sa nakalipas na 24 oras.
Ang pinakamataas na seismic activity ngayong buwan ay naitala noong Hulyo 6 nang makapagtala ng 120 volcanic earthquakes at 113 volcanic tremors.
Wala ring naobserbahang pag-angat ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake at wala ring naitalang volcanic smog o vog sa panahon ng monitoring.
Sa kabila ng pagbaba ng sulfur dioxide emissions at seismic activity, nananatili ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas pa rin ng volcanic unrest. RNT/JGC