MANILA, Philippines — Hinimok ni Vice President Sara Duterte’s lead counsel na si Atty. Sheila Sison ang prosekusyon at depensa na iwasang magbigay ng mga legal na konklusyon sa kanilang mga procedural manifestation sa impeachment trial.
Ginawa ni Sison ang pahayag matapos ianunsyo ng prosekusyon ang pag-atras sa ilang testigo sa ilalim ng Article IV ng Articles of Impeachment. Nilinaw niyang hindi siya tumututol sa pag-withdraw ng mga testigo kundi sa mahahabang paliwanag na may kasamang legal at factual conclusions.
Ayon kay Sison, tanging ang Senate impeachment court ang may kapangyarihang magpasya sa mga usaping legal at batay sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Sinabi rin niya na ang ganitong mga pahayag ay maaaring makaapekto sa pagiging patas ng impeachment proceedings at sa pananaw ng hukuman at publiko.
Binigyang-diin ni Sison na ang layunin ng impeachment trial ay ang pagtalakay sa mga ebidensya, hindi ang pagtataguyod ng mga legal na posisyon bago pa man maglabas ng pasya ang korte.
Hindi rin siya sumang-ayon sa paghahambing ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero sa sitwasyon bilang isang “tender of excluded evidence,” dahil wala aniyang ebidensyang naihain at naalis—bagkus ay umatras lamang ang prosekusyon sa pagpapaharap ng ilan nitong mga testigo.
Matapos ang pahayag ni Sison, pinaalalahanan ni Escudero ang parehong prosekusyon at depensa na limitahan ang kanilang mga susunod na manifestation sa mismong pag-withdraw ng mga testigo at iwasan ang pagbibigay ng mga legal na konklusyon. RNT/MDS