MANILA, Philippines – Sa gitna ng paggunita ng National Children’s Month ngayong Nobyembre, iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pangangailangang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata sa pagtugon ng bansa sa banta ng El Niño.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang pangalagaan ang kalusugan ng mga bata, lalo na’t kabilang sila sa mga higit na nanganganib sa mga epekto ng El Niño. Kabilang sa mga panganib na ito ang heat-related diseases, dehydration, waterborne diseases, at paglala ng malnutrisyon.
Upang maiwasan ang mga naturang panganib, hinimok ni Gatchalian ang mga local government unit (LGU) na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at mga water utility upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng malinis at ligtas na inuming tubig, at sapat na sanitation facilities sa mga paaralan at komunidad.
Nanawagan din si Gatchalian sa mga LGU na bantayan ang paglaganap ng mga sakit na dulot ng matinding init at tiyaking may sapat na
suplay ng oral rehydration solution at mahahalagang gamot.
Binigyang-diin din ng Pangulo ng Senado ang pangangailangang magpatupad ng mga contingency measure upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga feeding program.
“Sa pagtugon natin sa banta ng El Niño, tiyakin nating maitataguyod ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mga bata, lalo na’t kabilang sila sa mga higit na nanganganib sa masamang epekto nito,” ani Gatchalian.
Nauna nang nagbabala si Gatchalian na maaaring magpalala ng learning loss ang malawakang suspensyon ng mga klase dahil sa matinding init.
Sa halip na blanket class suspensions, iginiit ni Gatchalian ang pagpapatupad ng localized at granular class suspensions upang mabawasan ang pagkaantala sa edukasyon ng mga mag-aaral. Ernie Reyes