Home METRO Truck driver arestado sa pagbebenta ng delivery boxes

Truck driver arestado sa pagbebenta ng delivery boxes

1
0

MANILA, Philippines – Isang truck driver ang naaresto sa Quezon City matapos umanong ibenta sa isang junk shop ang libu-libong karton na ipinagkatiwala sa kanya para ihatid.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa alyas na “Michael,” 42, na inaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Station (PS 3) noong Hulyo 13. Nahaharap siya sa kasong qualified theft.

Ayon sa pulisya, tatlong linggo pa lamang nagtatrabaho ang suspek nang italaga siyang maghatid ng 22,100 Class Nestea Lemon Ice 500ML carton boxes sa Cabuyao, Laguna noong Hulyo 12.

Kinabukasan, natunton ng may-ari ang truck gamit ang GPS at nakita itong nakaparada sa Kalapati Street, Barangay Talipapa sa halip na papunta sa destinasyon. Pagdating ng may-ari, wala na ang kargamento.

Inamin umano ng suspek na ibinenta niya ang mga karton sa isang junk shop sa Barangay Baesa sa halagang ₱48,040. Isinuko niya ang resibo at perang nakuha, ngunit nadurog na ang mga karton kaya hindi na nabawi.

Tinatayang ₱433,160 ang halaga ng mga karton.

Nalaman din ng mga awtoridad na may nauna nang kaso ang suspek noong 2017 dahil sa paglabag sa Anti-Carnapping Act (Republic Act 6539).

Nananatili siyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kasong qualified theft sa Quezon City Prosecutor’s Office. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here