MANILA, Philippines — Arestado ang isang 56-anyos na public elementary school principal at apat na iba pa sa isinagawang buy-bust operation sa San Jose, Dinagat Islands nitong Biyernes.
Isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit-13 at Regional Intelligence Division-13, katuwang ang San Jose Municipal Police Station at Dinagat Islands Provincial Mobile Force Platoon, ang operasyon bandang alas-12:45 ng madaling araw sa Barangay Don Ruben.
Ayon kay Dinagat Islands Police Provincial Office director Col. Glenn Sampaga, pangunahing target ng operasyon ang alyas “Wel,” isang elementary school head na itinuring ng mga awtoridad na high-value drug personality.
Kasama ring inaresto ang apat na residente ng Barangay Don Ruben na kinilala lamang sa mga alyas na “JB,” “Yan-Yan,” “Dodo” at “Tata,” na pawang tinukoy ng pulisya bilang street-level individuals.
Narekober umano sa operasyon ang walong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang sachet na ginamit sa buy-bust.
Tinatayang nasa 1.5 gramo ang kabuuang timbang ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga umano ng P10,000.
Nakumpiska rin ang marked money, dalawang pares ng gunting, dalawang piraso ng aluminum foil, disposable lighter at coin purse.
Ipinaalam sa mga suspek ang kanilang constitutional rights bago sila dinala sa custodial facility ng RDEU-13 para sa dokumentasyon.
Nakatakda silang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico