MANILA, Philippines – Isinusulong ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na gawing bahagi ng K to 12 curriculum ang digital literacy upang maprotektahan ang mga bata laban sa panganib sa social media.
Kasabay ito ng pagpupulong ng Technical Working Group (TWG) ng House Committee on the Welfare of Children upang talakayin ang mga panukalang batas tungkol sa online safety ng mga bata at paggamit ng social media ng mga menor de edad.
Iba-iba ang mungkahi sa mga panukala. May mga naglalayong ipagbawal ang social media sa mga batang wala pang 13 taong gulang, habang ang iba ay nais isama ang lahat ng wala pang 18 taong gulang.
Sa ilalim ng House Bill 9965, na inakda nina Dy at Majority Leader Sandro Marcos, ipagbabawal ang social media accounts para sa mga batang wala pang 13 taong gulang. Samantala, ang mga edad 13 hanggang wala pang 18 ay papayagang gumamit lamang ng social media kung may mapapatunayang pahintulot at patuloy na gabay ng magulang.
Ayon kay Dy, hindi sapat ang pagbabawal lamang upang maprotektahan ang mga bata.
“Hindi po natin puwedeng i-asa sa pagbabawal lamang ang kaligtasan ng ating mga anak. If we teach our children how to read and write, in the Age of Social Media, we must also equip them with the knowledge to recognize lies and misinformation on the Internet.”
Sa panukala, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) ay magdaragdag ng “Digital Literacy and Ethical Use of Social Media” sa K to 12 curriculum.
Ituturo rito ang tamang pagsusuri ng impormasyon sa internet, pag-unawa sa epekto ng algorithms, pagkilala at pag-uulat ng cyberbullying, online exploitation at mapanganib na content, responsableng paggamit ng social media, at wastong screen time.
“Ang pinakamalaking panganib ay hindi lamang kung ano ang nakikita ng ating mga kabataan sa social media, kundi kung ano ang paulit-ulit na pinipiling ipakita sa kanila ng mga algorithm. Kaya dapat natin silang bigyan ng kaalaman at kakayahang maging mapanuri, mag-isip nang mabuti, at maunawaan kung paano naaapektuhan ng bawat scroll ang kanilang pananaw sa mundo.”
Inaatasan din ng panukala ang DICT na magsagawa ng regular na pagsasanay para sa mga guro at seminar para sa mga magulang at mga batang wala pang 18 taong gulang upang mapalakas ang digital safety sa paaralan at tahanan.
“Ang layunin ng panukalang ito ay hindi ang ilayo ang mga bata sa teknolohiya. Ang hangarin po natin ay tiyaking hindi sila magiging biktima nito.” RNT/MDS