BACOLOD, Philippines – Tatlong suspek ang naaresto kaugnay ng umano’y pagnanakaw at pagpatay sa Amerikanong si Kent Edward Carpenter sa Sibulan, Negros Oriental noong Linggo, ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR).
Sa magkakahiwalay na operasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) Carpenter at Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO) mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng madaling araw, unang naaresto si Mark Bucog Oracoy, 26, bandang 9:56 p.m. Sinundan ito ng pagkakaaresto kay Jal Piañar Filipinas, 40, bandang 10:35 p.m.
Samantala, kusang sumuko sa mga awtoridad si Ciem Mansing Diputado, 21, bandang 4:06 a.m. nitong Huwebes.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong suspek at sumasailalim sa dokumentasyon at mga kaukulang legal na proseso. Sinabi rin ng PRO-NIR na ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine sa wikang nauunawaan nila.
Pinuri ni Brig. Gen. Romano V. Cardiño, director ng PRO-NIR, ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba at tiniyak sa pamilya ng biktima, publiko, at dayuhang komunidad na maipagkakaloob ang hustisya.
Bagama’t malaking hakbang ang pagkakaaresto sa tatlong suspek, sinabi ng pulisya na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at ang operasyon upang madakip ang ikaapat na suspek na itinuro ng mga naarestong suspek at nananatiling nakatatakas. RNT/MDS