MANILA, Philippines – Nasa 3,000 Pilipinong seafarers pa rin ang sakay ng humigit-kumulang 400 barko sa Strait of Hormuz, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac.
Ayon kay Cacdac, may sapat na suplay ang mga tripulante at patuloy silang mino-monitor ng DMW 24/7 sa pamamagitan ng kanilang licensed manning agencies at shipowners.
“The good news din sa kanila, ‘yung mga naiwan sa loob, is may adequate supply sila. We are monitoring on a 24/7 basis through their licensed manning agencies and shippowners,” aniya.
Nilinaw rin niya na hindi bihag ang mga seafarers at nagpapatuloy ang kanilang trabaho, habang tuloy rin ang pagtanggap ng kanilang pamilya ng suweldo at benepisyo.
“Hindi po sila nakatengga doon or idle, held hostage or ano pa man. Sila ay naninilbihan, patuloy ang pag-gawad sa kanilang mga benepisyo at sweldo sa kanilang mga pamilya,” saad pa niya.
Dagdag pa niya, ligtas pa ring maglayag ang mga barko kahit nasa Persian Gulf ang mga ito.
Samantala, 3,718 seafarers na ang nakalabas sa Strait of Hormuz. Dalawang barko na may tig-15 seafarers ang nakalabas noong Hulyo 6 at 7, ngunit inatake habang nasa biyahe.
“Ang good news sa kanila ay naatake, yes, ‘yung kanilang barko, pero nakalabas, no, nakalabas ng Strait of Hormuz. Pero sa ngayon, sarada muli— nagbabalak muli na lumabas ng Strait of Hormuz ang mga barko,” aniya. RNT/MDS