MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa di umano’y anomalya sa bidding at funding ng mga proyekto para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games ay hindi para manakot ng kahit na sinuman na wala namang ginawang masama.
Ang pahayag na ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay tugon sa sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na ang plano ng NBI na imbestigahan ang 2019 SEA Games ay naglalayon na gipitin at takutin ang mga miyembro ng Senate impeachment court.
“Ang tao na walang dapat katakutan ay hindi nai-intimidate kahit kailan… Hindi ito pang-i-intimidate sa mga tao na wala namang ginawang mali,” ayon kay Castro.
Sinabi pa n Castro na ang mandato ng pamunuan ng NBI ay mag-imbestiga kung mayroon itong naririnig, nalaman na anomalya.
“Hindi po kailangang utusan ng Pangulo, mandato po ‘yan ng NBI, ng CIDG, ng PNP – trabaho po nila ‘yan,” aniya pa rin.
Sa ulat, pumalag ang mga senator-judges na kasapi ng minority bloc sa Senado sa balak na pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 2019 South East Asian Games (SEA Games).
Inanunsyo ni NBI Director Melvin Matibag ang P10 billion unliquidated funds sa 2019 SEA Games kung saan noong panahon na iyon ay Chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee si Senator-judge Alan Peter Cayetano.
Bago magsimula ang oral arguments para sa subpoena ng tax at bank records ni VP Sara at asawa nitong si Atty. Mans Carpio, tumayo si Cayetano at tinanong kung ang intensyon ba ng pagsiyasat ng NBI ay para magdulot ng chilling effect sa kanilang mga senator-judges para sa nakatakdang pagharap ni Matibag sa Lunes sa impeachment trial.
“Kung ito ay sinasabing panggigipit, ang akin pong narinig lamang ay ito ay paiimbestigahan ni NBI Director Matibag dahil kung inyo pong matatandaan, magtatayo po ng NBI Academy dito sa New Clark City. At that time na nagkaroon sila ng pagpupulong ay mayroong nakapagsabi sa kaniya na mayroong mga isyu patungkol sa korapsiyon noong ito daw ay isinagawa. So, ito’y nabanggit lang naman sa kaniya at naisumbong,” litaniya nito. (KRIS JOSE)