Home NATIONWIDE NBI bumuo ng task force sa pag-imbestiga ng New Clark City sports...

NBI bumuo ng task force sa pag-imbestiga ng New Clark City sports complex

1
0

MANILA, Philippines – Bumuo ang National Bureau of Investigation (NBI) ng isang task force upang imbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa pagtatayo ng ₱10-bilyong sports complex sa New Clark City, Tarlac na ginamit sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, walang kinalaman ang pulitika sa imbestigasyon at ito ay batay sa mga bagong impormasyon at dokumentong natanggap ng NBI.

“The record of the NBI is always to go where the evidence lead us. And we are in possession of documents already that there is a need to investigate this due to the huge amount of money involved,” ani Matibag.

Ang task force ay binubuo ng mga tauhan mula sa Financial Investigation Unit at Special Action Unit ng NBI. Makikipag-ugnayan din ang NBI sa Commission on Audit (COA) at Securities and Exchange Commission (SEC) sa imbestigasyon.

Samantala, kinuwestiyon nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano ang hakbang ng NBI at iginiit na ito ay pagtatangkang takutin sila habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Si Alan Cayetano ang dating chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na namahala sa paghahanda ng mga pasilidad para sa SEA Games.

Sinabi ni Matibag na maaari nilang hilingin kay Cayetano na magpaliwanag kung kinakailangan.

“If there’s a need to ask him, we will respectfully ask him to give light.”

“And I’m sure Senator Alan if he is included here, ‘I’m sure he would appreciate that this matter will be investigated properly,” dagdag niya.

Ayon pa kay Matibag, nadiskubre nila ang mga dokumentong may kaugnayan sa sports complex habang bumibisita sa lugar kung saan itatayo ang NBI Academy, na naging dahilan upang simulan ang imbestigasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here