Home METRO Ashfall posibleng maranasan malapit sa Mayon – Phivolcs

Ashfall posibleng maranasan malapit sa Mayon – Phivolcs

3
0
Photo Courtesy: Father Paulo Barandon

ALBAY, Philippines – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring makaranas ng banayad na ashfall ang mga komunidad sa timog at silangan ng Mayon Volcano habang patuloy itong naglalabas ng abo.

Ayon sa Phivolcs, dulot ito ng patuloy na pag-usad at pagguho ng bagong lava flow sa Mi-isi Gully sa timog-kanlurang bahagi ng bulkan. Dahil sa mahinang hangin, maaaring tangayin ang abo patungo sa mga kalapit na komunidad.

Nananatili ang Alert Level 3, na nangangahulugang mataas pa rin ang antas ng pag-aalboroto ng bulkan at may posibilidad ng mapanganib na pagputok.

Sa huling 24-oras na monitoring, sinabi ng Phivolcs na nagpapatuloy ang strombolian activity at pagdaloy ng lava. Umabot ang lava flow sa 3.8 kilometro sa Basud Gully, 3.2 kilometro sa Bonga Gully, at 2.1 kilometro sa Mi-isi Gully.

Naitala rin ang 196 volcanic earthquakes, kabilang ang 51 volcanic tremors na tumagal ng lima hanggang 31 minuto, 251 rockfall events, at 16 pyroclastic density current signals.

Nanatiling mataas ang sulfur dioxide emission sa 4,814 tonelada kada araw, batay sa sukat noong Hulyo 16.

Pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng lava flow, rockfall, pyroclastic density currents, ashfall, at iba pang panganib mula sa bulkan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here