Home NATIONWIDE Palasyo hinamon ni Cayetano ng parallel probe sa 2019 SEA Games, flood...

Palasyo hinamon ni Cayetano ng parallel probe sa 2019 SEA Games, flood control scandal: ‘Ano deal’?

3
0

MANILA, Philippines – Hinamon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes na magsagawa rin ng imbestigasyon sa flood control scandal habang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

“Imbestigahan niyo ang Southeast Asian Games of 2019, kung saan tayo nag-overall champion at tiningala ng buong Southeast Asia. Imbestigahan niyo nang husto, bigay n’yo lahat,” sabi ni Cayetano sa isang livestream nitong July 16, 2026. 

Nauna nang inanunsyo ni NBI Director Melvin Matibag na magsasagawa ang ahensya ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa pagsasagawa ng 2019 SEA Games. Pinamunuan ni Cayetano noon ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) na siyang nangasiwa sa naturang palaro.

“We will totally support (the investigation),” sabi ni Cayetano. “Kapag sinabi kong ‘we’ — ako at hinihimok ko po lahat ng mga kababayan, supportahan niyo ang investigation na iyan.”

Ngunit nagbigay rin siya ng hamon: “Tapos ako naman, sampu ng aming mga kasama na ngayon ay nasa Minority, imbestigahan naman namin ang flood control. Ano, deal?”

Sinabi niya na dapat ituloy ang lahat ng imbestigasyon nang walang takot, pabor, o teknikal na hadlang. Binigyang diin pa niya na walang sinuman ang dapat hindi masuri o maimbestigahan.

Pinuna rin ni Cayetano ang NBI, Department of Justice (DOJ), at Malacañang dahil sa aniya’y sabay na pagkilos upang iugnay siya sa mga sinasabing irregularidad sa 2019 SEA Games.

“Iparating natin sa NBI, sa DOJ, at sa Malacañang — hindi kayo halata ah! Slight lang, pero hindi naman kayo halata,” sabi niya.

Binatikos din ni Cayetano ang pagkakaroon ng “cover-up” matapos agad linisin ang pangalan ni Public Works Secretary Vince Dizon habang siya ay patuloy pa ring iimbestigahan.

Si Dizon ang dating presidente at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ang ahensyang namahala sa proyekto ng pagtatayo ng New Clark City noong 2019 SEA Games.

“Tapos ang Malacañang, si ano daw, na-imbestigahan na daw yung Secretary nila pero ako daw, hindi pa. OK lang, imbestigahan natin lahat. Pero hindi naman siguro bad words ang ‘flood control’. Ang bad words ay ‘cover-up’,” aniya.

“Suportahan natin ang lahat ng imbestigasyon. All-out investigation, katotohanan, para magbago na ang ating bayan,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here