Home NATIONWIDE Pamilya ng mga nawawalang sabungero, itinangging nabayaran para umatras sa kaso

Pamilya ng mga nawawalang sabungero, itinangging nabayaran para umatras sa kaso

1
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero na tumanggap sila ng pera kapalit ng hindi pagdalo sa mga pagdinig ng kaso.

Noong Biyernes, naghain sila ng kanilang counter-affidavits sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong obstruction of justice.

Ayon kay Eloisa Bohol, ina ng nawawalang si Kiel Bohol, hindi sila nagpabayad at hindi sila umaatras sa kaso. Ipinaliwanag niyang wala pang nagiging pagdinig dahil inilipat ang kanilang kaso mula Sta. Cruz patungong Quezon City.

Samantala, sinabi ni Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang si Michael Bautista, na dumalo sila sa preliminary investigation upang patunayang walang naganap na areglo. Iginiit din niyang ang ibang pamilya umano ang humihingi ng malaking halaga ng pera.

Noong Mayo, naghain si Charlene Lasco, kapatid ng nawawalang si Ricardo Lasco, ng reklamong obstruction of justice laban sa abogado ng negosyanteng si Atong Ang at tatlo pang iba. Inakusahan niya ang mga ito ng pag-aalok ng pera sa ilang pamilya, kabilang ang umano’y buwanang P20,000 o P40,000.

Samantala, may umiiral nang warrant of arrest laban kay Atong Ang at sa iba pang akusado kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention. Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kanya.

Naglabas na rin ng Interpol Red Notice laban kay Ang, at nag-alok ang pamahalaan ng P20 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here