MANILA, Philippines – Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga motorcycle taxi rider na agad tumawag sa 911 emergency hotline kapag nakakaramdam ng panganib upang mapabilis ang pagresponde ng mga pulis at maiwasan ang krimen.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., pinaigting ng PNP ang kampanya sa tamang paggamit ng 911 matapos ang magkahiwalay na insidente ng pananaksak na ikinasawi ng mga motorcycle taxi rider sa Caloocan City at Cavite.
Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang agarang pag-uulat upang mas mabilis na makaresponde ang mga pulis at mabigyan ng tulong ang mga biktima.
Hinimok din niya ang mga rider na huwag mag-atubiling tumawag sa 911 kung nakakaramdam sila ng banta, sinusundan, o may kahina-hinalang kilos ng kanilang pasahero o ibang tao.
Dagdag pa niya, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga ride-hailing company at mga lokal na pulis upang mapalakas ang seguridad ng mga rider at madagdagan ang presensya ng mga pulis sa mga lugar na mataas ang panganib. RNT/MDS