MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China Daily makaraang maglabas ng isang social media post na naglalarawan sa mga filipino bilang mga unggoy kaugnay ng usapin sa arbitral ruling sa West Philippine Sea (WPS).
“Such contemptible propaganda is a disgrace to any State that claims to exercise responsible regional leadership. It reveals the weakness of a government that resorts to racism, threats, and manufactured hatred because it has utterly failed to defend its ridiculous claims through reason, evidence, or law,” ang sinabi ng Kalihim.
Aniya, ang nasabing post ng Chinese state media outlet ay nagpapakita di umano ng pananaw ng Chinese Communist Party (CCP) sa mga filipino.
“This mockery of the lawful 2016 Arbitral Award and the video’s glorification of violence against the Filipino people and soldiers expose the moral and intellectual bankruptcy of China’s propaganda machine,” aniya pa rin.
Inilabas ang kontrobersyal na post ng China Daily noong Hulyo 10, dalawang araw bago ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito sa WPS.
“The recent spate of schizophrenic behavior of the Chinese Communist Party is too clear to disregard or to ignore. This latest act of dehumanization further reveals them as neither a secure and confident actor nor a trustworthy neighbor,” aniya pa rin.
Sa inilabas na pahayag nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Teodoro na ang pagpapakita sa mga Pilipino bilang unggoy ay isang anyo ng pangmamaliit at propaganda laban sa bansa.
Makikita kasi sa naturang video ang isang unggoy na nakasuot ng barong Tagalog at salakot habang tila inuutusan ng mga karakter na kumakatawan sa mga Amerikano at Hapones.
Ipinakita rin sa video ang unggoy na binobomba ng water cannon sa karagatan matapos makatanggap ng kopya ng arbitral award.
Ayon kay Teodoro, ang naturang materyal ay pangungutya sa 2016 Arbitral Award at isang pagpapakita umano ng karahasan laban sa mga Pilipino at sundalo.
Tinawag din ng kalihim na “contemptible propaganda” ang naturang post at iginiit na nagpapakita ito ng kawalan ng kakayahan ng China na ipagtanggol ang kanilang mga pahayag sa WPS sa pamamagitan ng makatuwirang argumento.
Samantala, naglabas din ng pahayag si Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea concerns, kung saan kinondena niya ang anumang uri ng racism.
“Racism has no place in this day and age — and racism meant to belittle another race deserves nothing but condemnation. Filipinos are not monkeys!” pahayag ni Tarriela sa social media. (KRIS JOSE)