MANILA, Philippines – Isang tao ang nasawi at pito ang nasugatan matapos umanong magdulot ng karambola ang isang SUV sa EDSA madaling araw ng Biyernes.
Batay sa CCTV ng MMDA, bandang alas-5:00 ng umaga nang bumangga ang SUV sa isang taxi at dalawang motorsiklo bago tumama pa sa iba pang sasakyan. Ayon sa pulisya, hindi bababa sa walong sasakyan ang nasangkot sa insidente.
Ginamot ang mga nasugatan, ngunit isang pasahero ng SUV ang namatay bandang alas-11:00 ng umaga.
Ayon sa isang biktima, unang bumangga ang SUV sa kanyang pickup bago ito tumama sa iba pang sasakyan.
Iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) kung nakainom ng alak ang drayber ng SUV. Hihiling ang pulisya sa Land Transportation Office (LTO) ng alcohol breath analyzer upang makumpirma ito.
Nagdulot ang insidente ng matinding trapiko sa northbound lane ng EDSA-Balintawak, bago tuluyang luminaw ang daloy ng sasakyan matapos maialis ang mga nasangkot na sasakyan. RNT/MDS