MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga Pilipino nitong Huwebes na huwag magpadala sa “distractions” na naglalayo sa atensyon ng publiko mula sa hindi pa nareresolbang flood control scandal.
Sa halip, nanawagan siyang tumulong ang publiko na i-“disrupt” ang malawakang korapsyon na tila naging normal na sa bansa.
“The willingness to investigate almost everything and everyone seems matched only by the reluctance — nay, the refusal — to fully pursue the one issue that deserves the deepest and most sustained scrutiny of our time: the flood control scandal,” pahayag ni Cayetano sa isang Facebook post nitong July 16, 2026.
Sa gitna ito ng magkakahiwalay na kaso at imbestigasyon ng administrasyon kaugnay ng ilang miyembro ng Senate Minority. Pinakahuli rito ang planong imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa umano’y mga iregularidad sa 2019 Southeast Asian Games, na inorganisa ng Philippine SEA Games Organizing Committee sa ilalim ng noo’y chairman nitong si Cayetano.
Sa kanyang post, binalikan ni Cayetano ang “Mahiya naman kayo!” na pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address noong nakaraang taon. Aniya, nagbigay ito ng pag-asa sa mga Pilipino na mabubuwag na sa wakas ang malakawang korapsyon sa bansa, partikular ang mga ghost flood control project.
Pagkakataon na sana ito, ayon kay Cayetano, para alamin kung paano nangyari ang korapsyon, sino ang pumayag dito, at paano ito mapipigilang maulit.
“But somewhere along the way, disruption became distraction,” dugtong niya.
Inihalintulad ni Cayetano ang sumunod na mga kontrobersya at imbestigasyon sa isang “magician” na inililihis ang atensyon ng mga manonood mula sa “real trick.”
“While everyone watches one hand, the real trick happens with the other. And like every successful illusion, it only works if the audience keeps looking where it is told to look,” puna niya.
Ikinalungkot ng senador na pati aniya ilan sa mga pinuno ng gobyerno, business community, simbahan, at media na dapat sana’y mga tagapagmatyag ay nagiging kasangkapan na rin sa paglilihis mula sa tunay na issue.
“When the watchdogs join the attack dogs, we are really in trouble,” aniya.
Ayon kay Cayetano, ang pagbubulag-bulagan sa harap ng malawakang korapsyon, gaya ng ginagawa ng mga nasa tuktok ng lipunan na nakikinabang dito, ang isa sa mga pangunahing dahilan ng patung-patong na krisis sa bansa.
“The elite — business, religious, political, and civil society leaders — are not quick to ask for change. ‘OK naman tayo’ is repeatedly heard and said behind closed doors,” aniya.
“Then what we have reaped starts germinating, and the time of reckoning begins. Moral, economic, and social crises hit us, back to back to back,” dagdag niya.
Para maputol na ang cycle na ito, hinimok niya ang publiko na huwag magpadala sa “politics of distraction”, at sa halip ay harapin ang tunay na nangyayari sa bansa gaano man ito kahirap, at makibahagi sa muling pagbangon ng bansa.
“If we truly desire national transformation, then we must resist the politics of distraction and embrace the disruption that truth requires,” aniya.
“Not disruption for the sake of conflict, but disruption that exposes corruption. Disruption that restores trust, that strengthens our institutions, that prepares the ground so future generations can inherit a nation built not on illusion, but on truth,” dagdag niya. Ernie Reyes