MANILA, Philippines – Isang ginang ang binaril ng kanyang kapitbahay makaraang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa Green Valley, Barangay San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa report ng Bacoor Component City Police Station (CCPS), bandang alas-3:40 ng hapon nagsimula ang komprontasyon ng magkapitbahay dahil sa naipong tubig sa harap ng bahay ng suspek na sinasabing naging sanhi ng pagkamatay ng ilan sa mga panabong na manok.
Dahil sa mainitang pagtatalo, umuwi ang 27-anyos na biktima sa kanyang bahay at agad na isinara ang pinto.
Subalit sa halip na humupa ang tensyon, pinuntahan umano nito ang bahay ng biktima at sapilitang sinipa ang pinto hanggang sa mabasag at nakapasok sa loob ng bahay ang suspek.
Dito ay kaagad na binunot umano ng suspek ang baril na nakasukbot sa beywang at binaril ang biktima na noo’y nakatayo sa tabi ng kanyang menor de edad na anak.
Hindi pa rito nagtapos ang umano’y pananakit dahil hinablot pa ng suspek ang buhok ng babae at itinutok ang baril sa kanyang mukha habang pinagmumura bago mabilis na tumakas.
Isinugod ang biktima sa Cavite East Asia Medical Center (CEAMC) kung saan siya ay patuloy na ginagamot dahil sa tinamong sugat.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya para sa agarang ikadarakip ng suspek na nahaharap sa kasong Frustrated Murder. MARGIE BAUTISTA