IRAN – Naglunsad ng mas marami pang pag-atake ang Iran sa mga bansa sa Gulf region na ka-alyado ng Estados Unidos, kasama ang Jordan, nitong Sabado, Hulyo 18.
Ito ay matapos na maglunsad din ng strike ang US target ang logistics hub at militar ng Iran.
Nagtamo ng sunod-sunod na pag-atake ang Kuwait, kung sanan tinamaan ang desalination plant at nasuspinde ang operasyon ng Kuwait International Airport dahil sa banta ng missile at drone.
Sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps na tinamaan nito ang US military support center sa Camp Arifjan at nasira ang radar facility sa Ali Al Salem Air Base.
Ayon naman sa Kuwait Petroleum Corporation, tinamaan ang isa sa oil facilities nito sa “repeated Iranian attacks”, at nagtamo ng matinding pinsala sa pasilidad at mayroon ding mga nasaktan.
Samantala, naharang naman ang iba pang Iranian ballistic missiles at drones madaling araw ng Sabado.
Ang mga pag-atake ay tugon ng Iran sa mga strike ng US target ang mga tulay, power facilities at iba pang imprastruktura.
“Since there is no international institution to prevent the savagery of the US military, we have no path before us except the Quranic command: ‘Whoever attacks you, attack them in the same manner’,” saad sa pahayag ng IRGC.
Tinarget din ng IRGC ang site sa Bahrain kung saan nagtitipon ang combat aircraft ng US sa
Sheikh Isa Air Base at ang isang intelligence data center.
Nasira rin umano ang dalawang US fighter aircraft at tatlo iba pang eroplano sa missile at drone attack sa US base sa Al Azraq, Jordan.
Samantala, naglunsad din ng mga pag-atake ang Iran sa Saudi Arabia sa unang pagkakataon makalipas ang tatlong buwan. RNT/JGC