MANILA, Philippines – Nalambat sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Las Piñas City police ang isang most wanted person (MWP) na nahaharap sa kasong child abuse Linggo ng umaga, Hulyo 19.
Sa ilalim ng pamumuno ni Las Piñas City police chief P/Col. Fermin D. Armendarez III ay inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa ikinasang operasyon sa Barangay Manuyo Dos ang akusado na si alyas Edgardo, 56, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Judge Nerina C.N. Anastacio-Mendinueto ng Regional Trial Court (RTC), Branch 199, Las Piñas City, kaugnay ng Criminal Case No. 10-0303 dahil sa paglabag sa Seksyon 10(a) ng RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pag-aresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan at kasalukuyan naman itong nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman na nag-isyu ng warrant.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver C. Cinco ang operating team sa matagumpay na pagpapatupad ng warrant at iginiit na nananatiling kabilang sa pangunahing prayoridad ng distrito ang pangangalaga sa mga bata at ang pagtiyak na mananagot sa batas ang mga lumalabag dito.
“Walang puwang sa ating mga komunidad ang mga krimen laban sa mga bata. Ang matagumpay na pag-aresto na ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng ating mga tauhan sa pagtunton sa mga wanted person at pagtiyak na sila ay mananagot sa ilalim ng batas. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon upang mapanatiling ligtas ang ating mga komunidad at maihatid ang hustisya sa mga biktima,” ani Cinco.
Patuloy namang pinaigting ng SPD ang kampanya nito laban sa mga wanted person sa pamamagitan ng maagap at naaayon sa batas na pagpapatupad ng mga warrant of arrest na inilalabas ng mga hukuman, bilang suporta sa sistema ng hustisyang kriminal at upang higit pang mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad sa nasasakupan nito. James I. Catapusan