PARAÑAQUE CITY — Pinalalakas ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang mga hakbang sa seguridad, kaayusan, at kalinisan sa paghahanda sa nalalapit na ika-49 ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Bilang bahagi ng paghahanda, nakipag-ugnayan si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez sa Presidential Security Command (PSC) upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, kaligtasan ng publiko, at koordinasyon sa mga kinakailangang security measures sa panahon ng internasyonal na pagtitipon.
Ayon kay Olivarez, bumisita sa lungsod ang mga kinatawan ng PSC upang talakayin ang mga plano sa seguridad at paghahanda para sa summit at sa iba pang kaugnay na aktibidad.
Binigyang-diin ng alkalde ang mahalagang papel ng Parañaque sa paghahanda dahil isa ang lungsod sa dalawang local government unit (LGU) na sumasaklaw sa lugar ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Posible ring gamitin ng mga dayuhang delegado at iba pang kalahok sa summit ang mga pangunahing lansangan ng lungsod bilang mga ruta, habang inaasahang magsisilbing tuluyan ng mga bisita ang mga hotel at iba pang accommodation facilities sa Parañaque.
Tiniyak naman ni Olivarez ang buong suporta at pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa PSC at iba pang kinauukulang ahensiya upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng summit.
Samantala, nagsagawa ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng malawakang operasyon sa paglilinis sa kahabaan ng Macapagal Avenue noong Oktubre 22, na sumaklaw sa bahagi mula Barangay Tambo hanggang Barangay Don Galo.
Kabilang sa mga isinagawang gawain ang paggapas ng damo, pagputol at pag-aayos ng mga halaman, paglilinis sa mga gilid ng kalsada, at pag-aalis ng mga kalat upang mapanatili ang kaayusan at mapaganda ang paligid ng pangunahing lansangan.
Batay sa ulat ng CENRO, umabot sa 46 cubic meters ng basura at mga debris ang nakolekta sa naturang operasyon.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na tiyaking malinis, maayos, at kaaya-aya ang mga pangunahing kalsada at pampublikong lugar sa Parañaque bago ang pagdating ng mga delegado at bisita para sa ASEAN Summit. James I. Catapusan