Home TOP STORIES Villar Foundation, mahigit 2 dekada na sa pagkilos para sa kalikasan

Villar Foundation, mahigit 2 dekada na sa pagkilos para sa kalikasan

1
0

MANILA, Philippines – Mula sa paggawa ng organic fertilizer mula sa kitchen waste hanggang sa pag-convert ng basurang plastik sa school chairs, mahigit dalawang dekada nang nagpapatupad ang Villar Foundation ng mga programang nag-uugnay sa pangangalaga sa kalikasan at kabuhayan ng mga komunidad.

Kabilang sa pangunahing programa nito ang Sagip Ilog o Las Piñas-Zapote River Rehabilitation Project na inilunsad noong 2002 upang linisin at buhayin ang mga daluyan ng tubig sa Las Piñas.

Kasabay ng rehabilitasyon ng ilog, bumuo rin ang Foundation ng mga livelihood project gamit ang mga materyales na karaniwang itinatapon bilang basura.

Kabilang dito ang paggawa ng handicrafts mula sa waterlily, coconets at coco peat mula sa bunot ng niyog, compost mula sa kitchen at garden waste, at school chairs mula sa recycled plastic.

Kinilala noong 2011 ang Sagip Ilog sa UN-Water “Water for Life” Best Practices Award dahil sa river rehabilitation at community-based environmental initiatives nito.

Isa sa matagal nang programa ng Foundation ang Las Piñas Kitchen Waste Composting Project na sinimulan din noong 2002.

Ayon sa Foundation, mayroon na itong 73 composting facilities na nakagagawa ng hanggang 73 tonelada ng organic fertilizer kada buwan mula sa biodegradable waste.

Ipinamamahagi ang compost sa mga farmers at urban gardeners habang nababawasan ang basurang kailangang dalhin sa landfill.

Tinatayang P300 milyon din umano ang natitipid sa hauling at waste disposal costs sa pamamagitan ng programa.

Noong 2013, nagtayo rin ang Foundation ng plastic recycling facility sa Las Piñas na nagpoproseso ng plastic waste upang gawing school chairs.

Lumawak na ang programa sa pamamagitan ng pagtatayo ng katulad na recycling facilities sa Iloilo at Cagayan de Oro para maabot ang Visayas at Mindanao.

Ang mga nagagawang upuan ay ipinagkakaloob sa public schools, farm schools at training centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ginagamit din ng Foundation ang waterlily na inaalis mula sa mga daluyan ng tubig bilang materyales para sa paggawa ng basket, banig, tsinelas at iba pang handicrafts.

Sa coco coir program naman, pinoproseso ang itinapong bunot ng niyog upang maging coconets na maaaring gamitin sa slope protection at erosion control.

Bukod sa pagbawas ng agricultural at waterway waste, nagbibigay ang mga programa ng karagdagang kabuhayan sa mga komunidad na gumagawa ng naturang produkto.

Patuloy din ang taunang Waterlily Festival sa Las Piñas bilang bahagi ng pagsusulong ng environmental awareness at lokal na kabuhayan.

Sa paglipas ng mahigit dalawang dekada, patuloy na nakasentro ang environmental programs ng Villar Foundation sa konseptong maaaring gawing kapaki-pakinabang na produkto at pagkakakitaan ang mga materyales na karaniwang itinuturing na basura.

Bukod sa 2011 UN-Water recognition, nakatanggap din ng iba’t ibang pagkilala ang mga environmental initiative na kaugnay ng Foundation, kabilang ang DENR-NCR Gawad Taga-Ilog at Energy Globe recognition noong 2022.

Patuloy namang isinusulong ng Foundation ang community participation bilang bahagi ng waste management, river rehabilitation at paglikha ng sustainable livelihood. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here