Home NATIONWIDE Mga ahensya ng pamahalaan pinaghahanda sa papalapit na Undas

Mga ahensya ng pamahalaan pinaghahanda sa papalapit na Undas

1
0

MANILA, Philippines – MAS maraming pulis, K-9 units, sapat na masasakyan at agarang tulong sa mga mai-stranded na pasahero.

Ito ang ilan sa mga hakbang na iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Executive Secretary Ralph G. Recto na ipatupad sa mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas, maayos at maginhawang paglalakbay ng milyun-milyong Pilipinong uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Undas.

Inatasan ni Recto ang Department of Transportation (DOTr), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pang kaukulang ahensya na ihanda ang kanilang mga tauhan, sasakyan at serbisyo para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, paliparan at terminal sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Partikular na binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mataas na police visibility, kabilang ang pagde-deploy ng mga pulis at K-9 units sa mga pangunahing transport terminal, pantalan at iba pang lugar na dinaragsa ng mga biyahero.

Alinsunod dito, pinakikilos din ni Recto ang Philippine National Police (PNP) upang paigtingin ang mga patrol, security inspection at iba pang hakbang laban sa kriminalidad at mga banta sa seguridad.

Iminungkahi rin ni Recto na pag-aralan ng mga kinauukulang ahensya ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga driver ng pampublikong sasakyan, alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon, upang makatulong na maiwasan ang mga aksidente at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Ang gusto ng Pangulo, ligtas ang bawat biyahe at may agarang tulong kapag kailangan. Hindi sapat na maraming masasakyan. Dapat sigurado rin tayong ligtas ang mga pasahero sa kalsada, sa pantalan at sa mga terminal,” ani Recto.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), inaasahang aabot sa 1.5 milyon hanggang dalawang milyong pasahero ang bibiyahe sa dagat ngayong Undas. Saklaw ng Oplan Biyaheng Ayos ng ahensya ang Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.

Inatasan ni Recto ang DOTr na tiyaking may sapat na pampublikong transportasyon at maghanda ng karagdagang masasakyan sakaling hindi kayanin ng regular na biyahe ang dami ng mga pasahero.

Kabilang dito ang mga barkong maaaring gamitin upang maisakay ang mga pasaherong mai-stranded sa mga pantalan.

Makikipag-ugnayan din ang DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matiyak ang sapat na bilang ng mga bus, lalo na sa mga rutang inaasahang dadagsain ng mga biyahero.

Samantala, inatasan ang DSWD na maghanda ng pagkain, tubig at iba pang agarang tulong para sa mga pasaherong maaaring ma-stranded dahil sa masamang panahon, kakulangan ng masasakyan o iba pang aberya.

Katuwang naman ang Department of Health (DOH) sa paghahanda ng mga medical team at emergency assistance, habang ang DILG ay makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at PNP upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.

Binigyang-diin ni Recto na dapat ding tiyaking maayos ang daloy ng mga pasahero, may malinaw na impormasyon tungkol sa mga biyahe, at may mga tauhang handang umalalay sa mga senior citizen, persons with disabilities, buntis at mga pamilyang may kasamang maliliit na bata.

“Mahal na ang gasolina at mga bilihin. Huwag na nating hayaang madagdagan pa ang gastos ng ating mga kababayan dahil sa pagkaantala ng kanilang biyahe. Dapat handa ang tulong, pagkain at masasakyan kapag kinakailangan,” ani Recto.

Sinabi niyang mahigpit na ipinatutupad ng Malacañang ang direktiba ni Pangulong Marcos na gawing mas ligtas at maginhawa ang paglalakbay ng mga Pilipinong dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

“Kung hindi maiiwasan ang pagkaantala ng biyahe, dapat may agarang tutulong sa kanila kung magka-aberya, hanggang ligtas silang makarating sa kanilang destinasyon.”

“Sa Undas, ang dapat iniisip ng ating mga kababayan ay ang pag-alala sa kanilang namayapang mahal sa buhay, hindi ang pangamba kung ligtas at may masasakyan ba sila papunta sa kanilang destinasyon,” dagdag ni Recto. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here