Home NATIONWIDE Fishing expedition sa paghingi ng financial records ni VP Sara muling itinanggi...

Fishing expedition sa paghingi ng financial records ni VP Sara muling itinanggi ni Diokno

9
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ni House prosecutor Chel Diokno ng Akbayan Party-list ang akusasyong “fishing expedition” ang hiling ng prosekusyon para sa bank, tax, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte.

Sa oral arguments sa Senate impeachment court, sinabi ni Diokno na naisaad na sa Articles of Impeachment ang ultimate facts na sumusuporta sa akusasyon ng unexplained wealth, samantalang detalyado naman ang mga evidentiary facts.

“Malayo po ang fishing expedition sa ginagawa ng prosecution dito po.Your Honors, the fishing expedition argument in our view is totally untenable,” giit ni Diokno.

Ayon kay Diokno, ang hiling ng prosekusyon para sa karagdagang financial records ay hango sa ebidensyang nasa record na, hindi haka-haka lamang.

Tinukoy nito ang testimonya ng executive director ng AMLC sa harap ng House Committee on Justice, kung saan naglabas ng mga dokumentong nagpapakita na mula 2007 hanggang sa kasalukuyan, umabot sa P6.7 bilyon ang dumaan sa account ni VP Duterte kabilang dito ang P3 bilyon sa pagitan ng 2007 hanggang 2013 kung saan nagsilbi ito bilang Davao City Vice Mayor at Mayor.

Ipinunto pa ni Diokno na ang subpoena ay ipinalalabas hindi dahil naestablisa na ang guilt bagkus it ay inilalabas dahil mayroong credible evidence na dapat suriin.

Nanindigan ito na maling bansangan na “fishing experdition” ang subpoena lalo at natukoy ng prosekusyon ang mga dokumentong nais nitong makuha at ipinaliwanag kung bakit may kaugnayan ang mga ito sa kaso.

Inihalimbawa din nito ang desisyon sa kaso Republic of the Philippines v Lt Col George Rabusa, isang unexplained wealth case kung saan sinang ayunan ng korte na ang pagsusuri ng bank account ay hindi fishing expedition.

Ikinatwiran pa ni Diokno na kung maaaring atasan ng Sandiganbayan ang Anti Money Laundering Council na magsumite ng records na kailangan sa isang kaso, dapat din makakuha ang Senate impeachgment court ng ganitong mga dokumento.

Iginiit din nito ang maaring hingin ang financial records kapag nakaugnay ang mga ito sa isang kaso partikular na sa unexplain wealth cases. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here