Home NATIONWIDE Kelot na hindi nagbayad ng mahigit P300K pusta sa sabong nasakote

Kelot na hindi nagbayad ng mahigit P300K pusta sa sabong nasakote

6
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-station ng Parañaque City police ang 42-anyos na lalaki matapos tangka nitong takbuhan ang kabuuang P300,000 na pustang isinugal sa isang sabungan sa lungsod Linggo ng gabi, Hulyo 19.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Parañaque Chief of Police P/Col. Nicolas S. Piñon, bilang patunay ng patuloy na pagtugon ng himpilan sa mga panawagan ng publiko at pangangalaga sa mga negosyo sa kanilang nasasakupan.

Kinilala ang suspek sa alyas na Rommie, 42, isang freelance agent at residente ng Barangay Moonwalk, Parañaque City.

Naganap ang pagdakip sa suspek dakong 9:30 ng gabi sa loob ng isang sabungan na matatagpuan sa Quirino Avenue, Barangay Tambo, Parañaque City.

Batay sa paunang imbestigasyon, regular na kostumer ng naturang sabungan ang suspek kaya pinayagan siyang magpusta nang hindi muna nagbabayad kung saan umabot sa P300,000 ang kabuuang halaga ng kanyang mga pusta.

Gayunman, matapos siyang matalo sa mga laban, tinangka niyang umalis ng sabungan nang hindi binabayaran ang kanyang pagkakautang.

Hinarang siya ng teller ng sabungan at siningil sa kanyang obligasyon, subalit inamin umano ng suspek na wala siyang sapat na pera upang mabayaran ang kanyang utang at sa hindi maayos na katwiran ng suspek ay agad na humingi ng tulong ang pamunuan ng establisimyento sa pulisya.

Agad namang rumesponde sa lugar sina P/Cpl. Christopher A. Ayochok at Pat. Emmanuel S. Bartolata ng Tambo Police Sub-station at matapos beripikahin ang pangyayari, inaresto nila ang suspek at ipinaalam dito ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine, sa wikang kanyang nauunawaan.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang suspek na nahaharap sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here