MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang hakbang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng panibagong beripikasyon sa umano’y mga ghost project sa Taguig gayong nauna nang sinabi ng ahensya na walang natukoy na ghost projects sa lungsod.
Sa kanyang Facebook livestream nitong July 20, sinabi ni Cayetano na umaasa siyang maninindigan si DPWH Secretary Vince Dizon sa naunang naging resulta ng beripikasyon ng ahensya.
Ayon sa senador, tatlong beses nang tiniyak ng kalihim sa kanya na napatunayan nang walang ghost projects sa Taguig.
“I hope hindi siya magpa-pressure and I hope he tells the truth because tatlong beses niya na sinabi sa akin na vinerify nila at walang ghost projects sa Taguig,” wika niya.
Iginiit ni Cayetano na walang saysay ang kanyang pagsusulong ng Senate Blue Ribbon Committee hearing sa mga iregularidad sa flood control projects kung babalewalain naman niya ang anumang isyu sa sarili niyang nasasakupan.
“It’s so illogical that I am fighting for the truth and for the Blue Ribbon hearing tapos meron pala kaming problema sa sarili naming bakuran,” wika niya.
Binalikan din ng senador ang naging mungkahi niya noong deliberasyon ng budget ng DPWH na kunan ng litrato ang lahat ng government infrastructure projects mula groundbreaking hanggang sa matapos ang konstruksyon upang mas madaling matukoy kung may mga ghost project at mapalakas ang transparency sa pagpapatupad ng mga proyekto.
“When he was in the DPWH budget hearing dito, sinabi ko, ‘Sec. Vince, ba’t hindi mo pakuhanan sa cellphone ng picture lahat ng project. Simulan mo sa 2025, 2024, 2023, pabalik. Para kung sa cellphone palang bayad na pero walang project, ghost na iyon,’” wika niya.
Ayon kay Cayetano, paulit-ulit niya itong iminungkahi sa plenaryo ng Senado at sinabing ipinatutupad na rin ito sa Taguig.
Hinamon ng senador ang mga awtoridad na imbestigahan ang lahat ng umano’y ghost projects sa iba’t ibang lugar sa bansa at huwag ituon lamang sa Taguig ang pagsusuri.
“Isabay-isabay na natin kung gusto but don’t single people out. From the start sinabi ko, imbestigahan ninyo lahat,” ani Cayetano. Ernie Reyes