LAGUNA, Philippines – Mahigit 112 pamilyang naninirahan sa tabing-ilog ng Barangay Mapagong ang sapilitang inilikas ng mga opisyal ng barangay dahil sa panibagong banta ng flash floods at landslide.
Ayon kay Barangay Chairperson Jona Baylon, nag-force evacuation na sila dahil makulimlim muli ang panahon at hindi tiyak kung gaano kalakas ang puwersa ng tubig sa lugar na nagkaroon ng landslide.
Noong nakaraang Linggo ng tanghali, biglang lumakas ang tubig sa ilog at tinangay ang ilang bahay. Dalawang magkapatid na bata — sina Algen (11 anyos) at Prince Gab (7 anyos) — ang tinangay ng baha at hanggang ngayon ay nawawala pa rin. Ang 30-minutong malakas na ulan ay nag-trigger din ng mga landslide na sumira sa mga bahay.
Patuloy ang paghahanap ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Calamba City DRRMO sa mga ilog sa ilang barangay, ngunit wala pa ring bakas ng mga nawawalang bata. Ang asawa ni Lumbria at ang kanilang bunso ay nagpapagaling sa ospital.
Ang mga nawalan ng tirahan ay pansamantalang nananatili sa isang lokal na paaralan. Marami ang nangangakong hindi na babalik sa kanilang dating tahanan dahil sa takot.
Si Calamba City Mayor Ross Rizal ay nangako na tinutukoy na ng lungsod ang mga relocation site para sa mga pamilya. Patuloy ang pagdating ng relief assistance mula sa Calamba City Government, Laguna Governor Sol Aragones, at iba’t ibang organisasyon. RNT/MDS