MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na aaralin pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung magbabago siya ng estratehiya sa pagtugon sa usapin na may kinalaman sa Tsina.
Batid naman kasi ng sambayanang filipino na diplomatic dialogue ang ginagamit ng Pilipinas kapag mayroong isyu ang Tsina sa Pilipinas.
“Sa panahon po ngayon ay kailangan pong aralin din ng Pangulo pero hindi po nadadaan sa dahas ang anumang pakikipaglaban sa karapatan. Hindi pinag-uusapan dito ang laki ng iyong teritoryo, ang lakas ng iyong puwersa kung hindi pakikipaglaban sa katotohanan at kung ano ang iyong karapatan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na hindi ninanais ng Pangulo ang napaulat na isang miyembro ng Philippine Navy ang pinalo ng baton ng isang Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal dahilan para magkasugat ang ulo nito.
“Ang ganitong mga klaseng insidente na siyang nagbibigay ng polisiya na dapat tayo ay tumugon sa mga ganitong klaseng mga insidente through a diplomatic manner. So, hindi po talaga katanggap-tanggap itong nangyayari sa pagitan po ng bansa natin at ng China,” aniya pa rin.
“Kinukondena po niya, kinukondena po ng Pangulo ang mga ganitong klaseng pangyayari,” diing pahayag ni Castro.
Nauna rito, mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang pinakabagong insidente kung saan sangkot ang China Coast Guard (CCG) laban sa Philippine Navy personnel na naka-assign sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Inilarawan ng DND ang insidente bilang bahagi ng nagpapatuloy na pattern ng “provocative and hostile” na asal ng CCG.
Sinasabing, nangyari ang insidente sa isang komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS), araw ng Lunes, Hulyo 20.
Tinuran naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lulan ng rigid-hull inflatable boat (RHIB) ang CCG na may sakay na walong personnel at nilapitan ang BRP Sierra Madre ang outpost ng Philippine military sa Ayungin Shoal at doon kumuha ng mga larawan at video ang CCG.
Kaagad namang nilapitan ng AFP lulan ng rubber boats para itaboy ang mga ito, iyon lamang ay naging agresibo ang mga Chinese Coast Guard at bigla na lamang pinalo ang isang miyembro ng Philippine Navy na nagresulta sa pagkakasugat sa ulo.
Dahil rin sa pangyayari ay nagtamo rin ng danyos ang rubber boats ng Navy.
Kaagad naman na nagbigay ng lunas ang Western Command (WESCOM) sa nasugatang personnel.
Para sa AFP, ginawa lamang nila ang nararapat kung saan sinunod ang Rules of Engagement.
At para naman sa DND, ang pinakabagong act of violence at harassment ay karagdagan sa “deficit of trust and credibility” ng People’s Republic of China.
Samantala, nanawagan naman ang AFP sa People’s Liberation Army (PLA), CCG at Chinese maritime militia na tigilan na ang kanilang iligal at agresibong hakbang sa West Philippine Sea at marapat na sundin ang nakasaad sa 2016 Arbitral Award na nagpapatunay ang maritime rights ng Pilipinas sa ilalim ng international law. (KRIS JOSE)