MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakatanggap ito ng impormasyon tungkol sa umano’y planong pag-alis ng bansa ni dating House Speaker Martin Romualdez, ngunit hindi ito natuloy.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, alam ng kampo ni Romualdez ang umiiral na derogatory records at mga travel restriction na maaaring ipatupad laban sa kanya. Sinabi rin niyang kung sakaling magkaroon ng aktuwal na tangkang pag-alis ng bansa, ipatutupad ng BI ang naaangkop na batas.
Nauna nang sinabi ng Office of the Ombudsman na nakatanggap ito ng kapani-paniwalang impormasyon na ilang beses umanong nagtangkang umalis ng bansa si Romualdez sa kabila ng umiiral na Precautionary Hold Departure Order ng Sandiganbayan.
Si Romualdez ay kabilang sa mga iniimbestigahan kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Samantala, itinanggi ng tagapagsalita ni Romualdez na si Elaine Atienza ang alegasyong nagtangka itong tumakas. Aniya, nananatili si Romualdez sa bansa at haharap sa mga imbestigasyon upang linisin ang kanyang pangalan. RNT/MDS