MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na gawing bahagi ng kanilang paghahanda sa sakuna ang Unified 911 Emergency Hotline, dahil mahalaga ang agarang pag-uulat upang makapagligtas ng buhay at maiwasan ang paglala ng mga insidente.
Sa pamamagitan ng Unified 911, maaaring agad makakonekta ang publiko sa pulisya, bumbero, medical at rescue teams gamit ang iisang hotline sa buong bansa.
Ayon sa DILG, hindi lamang nakasalalay sa imprastraktura at aksyon ng pamahalaan ang disaster resilience kundi pati sa kahandaan ng mamamayan na kumilos sa oras ng emerhensiya.
Inilunsad ang Unified 911 noong 2025 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mapabilis at mapag-ugnay ang pagtugon sa sunog, aksidente, bagyo, medical emergencies at iba pang insidente.
Simula nang ilunsad ito, nakatanggap na ang sistema ng halos 12 milyong tawag sa buong bansa.
Ipinakita rin ng DILG ang ilang kaso kung saan naging mahalaga ang mabilis na pagtawag sa Unified 911, kabilang ang sunog sa Tondo, pamamaril sa Dasmariñas, Cavite, at pananaksak sa Aringay, La Union, kung saan mabilis na nakaresponde ang mga awtoridad at nakapagbigay ng agarang tulong. RNT/MDS