WASHINGTON, USA – Kinondena ng Estados Unidos ang tinawag nitong “mapanganib at agresibong aksyon” ng China matapos ang insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Ayon sa US State Department, ang umano’y paulit-ulit na panggugulo ng China sa lehitimong operasyon ng Pilipinas sa karagatan ay nakaaapekto sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon at taliwas sa pangako nitong lutasin ang mga alitan sa mapayapang paraan.
Dumating sa Maynila si US Secretary of State Marco Rubio upang dumalo sa mga pagpupulong ng ASEAN at muling pagtibayin ang ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Sa isang artikulo, iginiit ni Rubio ang suporta ng US sa kalayaan sa paglalayag sa Southeast Asia at muling pinagtibay ang depensa nito sa rehiyon. Aniya, magiging banta sa soberanya, seguridad, at ekonomiya ng mga bansa ang pagkontrol ng isang kapangyarihang gumagamit ng kalakalan bilang sandatang pampulitika.
Nauna nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na nasugatan ang isang Pilipinong sundalo matapos umanong hampasin ng tauhan ng China Coast Guard sa insidente sa Ayungin Shoal. Itinanggi naman ng China ang paratang at sinabing baluktot umano ang bersyon ng Pilipinas sa nangyari. RNT/MDS