MANILA, Philippines – Isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may mataas na posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras, ayon sa PAGASA.
Bandang 2 p.m., namataan ang LPA 1,525 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Inaasahang magdadala ang trough nito ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Eastern Visayas sa Miyerkules.
Samantala, patuloy na magdudulot ang Habagat ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, at Palawan.
Posible rin ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa localized thunderstorms.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat sa posibleng flash flood at landslide sa mga lugar na makararanas ng malalakas na pag-ulan at pagkulog. RNT/MDS