MANILA, Philippines – Ipinatupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa Bagulin, La Union, matapos ideklara ang state of calamity dahil sa dengue outbreak, kinumpirma ng Department of Trade and Industry-Ilocos Region nitong Martes.
Inaatasan ang mga retailer na panatilihin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa umiiral na antas mula nang opisyal na ideklara ang outbreak.
“This ensures that prices of basic necessities remain stable while the government responds to the public health emergency,” sinabi ni DTI-La Union Consumer Protection Division chief Marissa Nonesa sa isang virtual conference.
Nakapagtala ang Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng 1,005 kaso ng dengue at apat na nasawi sa La Union mula Enero hanggang Hulyo. Sa naturang bilang, 251 kaso ang naitala sa Bagulin.
Pinaigting ng DTI, mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensiya ang market monitoring at inspeksiyon upang matiyak ang pagsunod sa price freeze. Maaaring patawan ng administratibo at legal na parusa ang mga negosyong lalabag dito.
Hinikayat din ang mga mamimili na iulat ang overpricing, hoarding, profiteering at iba pang hindi patas na gawaing pangkalakalan.
Idineklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity noong Hulyo 11. Mananatili ito hanggang Hulyo 26 o hanggang sa makontrol ang outbreak.
Pinayuhan din ng mga awtoridad sa kalusugan ang publiko na alisin ang mga pinamumugaran ng lamok, panatilihing malinis ang kapaligiran, gumamit ng proteksiyon laban sa kagat ng lamok at agad magpatingin kapag nakaranas ng mga sintomas. Mary Anne Sapico