Home NATIONWIDE China: Sagupaan sa dagat ‘di makaaapekto sa South China Sea code talks

China: Sagupaan sa dagat ‘di makaaapekto sa South China Sea code talks

2
0

MANILA, Philippines — Hindi nabago ng panibagong tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas ang layunin ng Beijing na tapusin bago matapos ang taon ang negosasyon para sa code of conduct sa South China Sea kasama ang mga bansa sa Southeast Asia, ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan nitong Martes.

Inihayag ito ni Jing matapos magkasagupa nitong Lunes ang mga mandaragat na Pilipino at Chinese sa isang pinagtatalunang bahura, ang una nilang seryosong engkuwentro sa dagat sa loob ng ilang buwan.

“No matter what happened bilaterally, I think our willingness to finish the CoC talk at the end of this year has not changed,” sinabi ni Jing sa mga mamamahayag matapos ang closed-door meeting nila ni Philippine President Ferdinand Marcos Jr.

Iginiit ni Jing na hiwalay ang usapin ng code of conduct sa mga teritoryal na alitan sa pagitan ng Pilipinas at China.

“I don’t think the CoC really addresses those bilateral disputes. It’s kind of rules of engagement among different relevant parties,” ani Jing.

Matagal nang isinusulong ng mga bansa sa Southeast Asia ang pagkakaroon ng code of conduct sa South China Sea kasama ang China, bagaman kinukuwestiyon ng ilang analyst kung magkakaroon ito ng mga probisyong maaaring ipatupad.

Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea sa kabila ng international ruling na nagsabing walang legal na batayan ang mga pag-angkin nito.

Ipinatawag din ng China nitong Martes ang kinatawan ng Pilipinas sa Beijing “to lodge solemn representations” kaugnay ng pinakahuling sagupaan sa dagat.

Nangyari ang insidente habang idinaraos sa Pilipinas ang ilang araw na pagpupulong ng mga foreign minister mula sa 11 miyembrong Association of Southeast Asian Nations. Dumalo rin ang mga opisyal mula sa United States, China, Japan, Russia, at iba pang bansa.

Dumating sa Maynila nitong Martes si Chinese Foreign Minister Wang Yi at inaasahang makikipagpulong sa kanyang Philippine counterpart sa Miyerkules.

“The South China Sea is a shared home for regional countries, and South China Sea issues should not become a stumbling block to China-ASEAN relations”, sinabi ni Wang sa pakikipagpulong sa ASEAN secretary-general, ayon sa Chinese state news agency na Xinhua.

Sinabi naman ni Thai Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow na makatutulong ang code of conduct upang patatagin ang sitwasyon sa rehiyon, ngunit hindi madaling maresolba ang mas malawak na mga alitan.

“Definitely, it’s going to take a lot of talks, a lot of diplomacy,” ani Sihasak.

“But let’s try to stabilize the situation, and perhaps the code of conduct can help in this direction.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here