MANILA, Philippines — Iginiit ng House prosecution panel na “low blow” ang pagbanggit ng depensa sa asawa ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, dapat nakatuon ang pagtatanong sa imbestigasyon ng NBI kaugnay ng umano’y banta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, at hindi sa umano’y political affiliations ng pamilya ni Matibag.
Sa pagdinig noong Martes, kinuwestiyon ng depensa ang mga dating artikulo ni Matibag na kritikal kay Duterte at binanggit na ang kanyang asawa ay kabilang sa mga mambabatas na lumagda sa impeachment complaint.
Gayunman, sinabi ni Adiong na nagsimula na ang imbestigasyon ng NBI bago pa man maging direktor si Matibag.
Nilinaw rin niya na ang affidavit ng self-confessed dating Davao Death Squad member na si Arturo Lascañas ay hindi iniharap bilang pangunahing ebidensiya, kundi upang ipaliwanag kung bakit bumuo ang NBI ng task force para ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, sinabi rin ni Adiong na hindi dapat ibatay sa mga survey ang usapin ng betrayal of public trust, dahil ang impeachment ay nakatuon sa umano’y naging kilos at pananagutan ng opisyal sa kanyang panunungkulan.
Magpapatuloy ang cross-examination kay Matibag sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment court. RNT/MDS