TARLAC, Philippines — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ina sa Tarlac dahil sa umano’y online sexual exploitation ng kanyang dalawang menor de edad na anak para sa mga dayuhang kliyente.
Ayon sa NBI, ginagamit umano ng suspek ang WhatsApp upang makipag-ugnayan sa mga American client at mag-alok ng online sexual activities kapalit ng bayad na ipinapadala sa pamamagitan ng online payment platforms.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ng referral mula sa US Homeland Security Investigations (HSI) noong Disyembre 2025. Nagsagawa ang NBI ng surveillance, digital evidence review, at undercover operation.
Noong Marso 5, isang undercover agent ang nakasaksi umano sa video call kung saan inalok ng suspek ang kanyang mga anak kapalit ng pera.
Dahil dito, kumuha ang NBI ng search warrant at nagsagawa ng entrapment at rescue operation noong Hulyo 14 sa pakikipagtulungan ng HSI.
Naaresto ang suspek matapos umano siyang mahuling nag-aalok ng kanyang mga anak sa online sexual activities. Dalawang cellphone ang nakumpiska at naglaman umano ng WhatsApp messages at call logs na may komunikasyon sa mga dayuhang kliyente.
Ang dalawang menor de edad ay nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa medikal na pagsusuri at psychosocial intervention.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act, Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, at Expanded Anti-Trafficking in Persons Act. RNT/MDS