MANILA, Philippines – Pinangunahan ni House Speaker Faustino Dy ang huling run-through at inspeksiyon sa plenary hall para ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Ayon kay Dy “simple but dignified” ang SONA ngayong taon.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito. Mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino, dahil ito ang pagkakataong magbigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin. Handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address ng Pangulo,” pagtiyak ni Dy.
Sa panig ni House Secretary General Atty Cheloy Garafil sinabi nito na “All set” na ang SONA matapos ang may 1 buwang paghahanda sa panig ng House of Representatives, Office of the President, at Senado.
Aniya, ang huling mga arrangement na lamang na inayos ay natitirang usaping logistical, kasama na ang seating arrangement para sa mga dignitary at viewing room para sa mga bisitang hindi na makakapasok sa loob ng plenary hall.
Sa isinagawang huling inspeksyon ay sinamahan ni Garafil ang mga opisyal mula sa Office of the President sa pag-iinspeksiyon sa ruta na tatahakin ni Pangulong Marcos mula sa likurang pasukan ng House of Representatives Complex patungong plenary hall.
Sinuri rin ng delegasyon ang plenary hall at iba pang mahahalagang bahagi ng House complex, kung saan tiningnan ng mga opisyal ang mga facility upgrade kabilang na ang pagkumpleto sa ikalawa at ikatlong palapag ng Main Building, pag-upgrade sa mga hallway at common area, at pagtatayo ng bagong al fresco lounge para sa mga miyembro at bisita.
Upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng dadalo, naglagay din ang House ng malawakang contingency measure, nasa 30 medical personnel mula sa House Medical and Dental Service, St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center, at East Avenue Medical Center gayundin ay mga mga nakastandby na responder mula sa Department of Health, mga local government unit, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police.
Una nang sinabi ni Garafil na mas simple ang SONA 2026 kumpara sa mga nakaraang SONA, ang mga bisita at mga mambabatas ay pinayuhan na magsuot ng Filipiniana attire at walang long gowns at wala pa ding red carpet gaya sa mga nakaraang taon. Gail Mendoza