Home METRO Pulis na nanamantala ng menor, sinuspinde ng NAPOLCOM

Pulis na nanamantala ng menor, sinuspinde ng NAPOLCOM

6
0

MANILA, Philippines – “Hindi natin hahayaang maging rapist ang mga pulis. Hindi natin hahayaang abusuhin ng ating mga pulis ang mga kabataan.”

Bitbit ang mensaheng ito, inanunsyo ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan ang *preventive suspension* kay Patrolman Kaizer Santos Alfonso ng Nueva Ecija 1st Provincial Mobile Force Company, na inaakusahang nanggahasa at nanamantala sa isang 14-anyos na batang babae.

Kaugnay nito agad na kumilos ang Komisyon sa araw ding iyon na nakarating sa kanila ang kaso. Sa isang *press briefing* noong Miyerkules, humingi ng tulong sa NAPOLCOM ang tagapag-alaga ng biktima—na kinilala sa alyas na “Inday”—upang makapaghain ng reklamong administratibo laban kay Patrolman Alfonso at upang hilingin ang paglilipat ng lugar kung saan gaganapin ang mga pagdinig. Ayon sa tagapag-alaga, nangako umano ang pulis sa menor-de-edad sa kabila ng pagiging may asawa nito, at patuloy na nagpapadala ng mensahe at tumatawag sa biktima gamit ang Instagram.

Iniutos ng NAPOLCOM ang *preventive suspension* kay Patrolman Alfonso upang matiyak na magiging patas at malaya sa anumang hindi nararapat na impluwensya ang mga pagdinig na administratibo. Nagbigay rin ang Komisyon ng tulong na sikolohikal sa 14-anyos na biktima at nangakong pangangalagaan ang kanyang kapakanan habang tumatakbo ang kaso.

Samantala mariing kinondena ni Commissioner Calinisan ang mga nasabing gawain, at binigyang-diin na ang mga pulis ay may tungkuling protektahan ang publiko, lalo na ang mga bata.

“Ang pag-asa ng bayan ay ang ating mga kabataan. I feel sad, and I felt disgusted a while ago seeing a 14-year-old being subjected to all of this by a policeman. Siya ang dapat nagbabantay sa atin, pero siya ang kumana sa atin. So ipapakita natin sa kanya ang bigat ng batas at ang bigat ng kasalanang ginawa niya. Ipapakita natin nang buong malinaw na malilinaw ang ginawa niya.”

Hinimok ni Commissioner Calinisan ang iba pang biktima ng pang-aabuso ng pulisya na humarap, tinitiyak silang kikilos ang Komisyon.

“Kahit sino ay puwedeng lumapit sa NAPOLCOM. Kung kayo o ang inyong pamilya ay nakaranas ng pang-aabuso mula sa isang pulis, huwag kayong matakot. Narito ang NAPOLCOM para tiyak na mananagot ang sinumang pulis na lumabag sa batas at umabuso sa tiwala ng taumbayan.”

Pinuri rin ni Commissioner Calinisan sina PMAJ Ernesto V. Esguerra, Chief of Police ng San Antonio Municipal Police Station, at PEMS Michell C. Nadudo ng Women and Children Protection Desk (WCPD), Nueva Ecija Police Provincial Office, sa kanilang mabilis na aksyon sa insidente — ang propesyonalismo, aniya, na inaasahan ng bawat opisyal na ipinagkatiwala sa pagprotekta sa kababaihan at mga bata.

Ang Komisyon ay nananatiling matatag sa pagprotekta sa mga karapatan ng mga biktima, partikular sa kababaihan at mga bata, at sa pagtataguyod ng pananagutan sa loob ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here