CAVITE, Philippines – Nasa mahigit 4 na toneladang hinihinalang “hot meat” ang nasabat sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad sa isang pampublikong pamilihan sa Dasmariñas City nitong Miyerkules, Hulyo 22.
Pinangunahan ng National Meat Inspection Service (NMIS), katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Agriculture–Inspectorate and Enforcement (DAIE), ang operasyon na nagresulta sa pagkumpiska ng 4,409.66 kilo ng baboy, manok at baka na umano’y walang kaukulang dokumento at hindi maayos ang pagkakaimbak.
Sa inspeksyon, natuklasan ang mga refrigerated van na hindi gumagana, mga sirang karton ng karne, at mga frozen meat na nakabilad lamang sa ibabaw ng mga mesa sa halip na nasa freezer o chiller.
Aabot sa 631.52 kilo ng karne ang direktang nakumpiska mula sa mga display ng mga tindahan.
Ayon kay NMIS Region IV-A Director Dr. Eduardo Oblena, ang karamihan sa mga nakumpiskang karne ay pinaniniwalaang imported ngunit walang maipakitang legal na dokumento, kaya itinuturing itong “hot meat.”
Ipinaliwanag din ni Oblena na ang frozen meat ay dapat mapanatili sa temperaturang -18°C hanggang -10°C.
Kapag ito ay naiwan sa labas at natunaw, mabilis umanong dumarami ang mikrobyo na maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan, pagtatae, pagsusuka, at maging pagkakaospital ng mga makakakain nito.
Sa kabila ng pagkakasita, iba’t ibang paliwanag ang ibinigay ng ilang tindero at empleyado.
May nagsabing hindi nila alam ang mga regulasyon, habang may vendor namang iginiit na matigas pa rin ang karne kahit sira ang karton at paminsan-minsang pinapatay ang refrigerator.
Agad namang kinumpiska ang lahat ng karne at dinala sa disposal facility sa koordinasyon ng NMIS at ng lokal na pamahalaan. Isasailalim din sa kaukulang dokumentasyon at blotter ang insidente bilang bahagi ng legal na proseso.
Nagbabala ang NMIS sa publiko na tiyaking bumibili lamang ng karne mula sa mga lehitimong tindahan at siguraduhing ito ay maayos ang pagkakahawak at may sapat na dokumentasyon upang maiwasan ang panganib sa kalusugan. MARGIE BAUTISTA