MANILA, Philippines – Naglabas ng pahayag ang Southern Police District (SPD) hinggil sa inilabas na statement ng Press Photographers of the Philippines (PPP) tungkol sa umano’y pangha-harass sa mga mamamahayag sa isinagawang anti-ASEAN protesta sa Pasay City ngayong Miyerkules, Hulyo 22.
Inihayag ng SPD ang pinakamataas nitong paggalang sa kalayaan ng pamamahayag at kinikilala ang mahalagang papel ng mga mamamahayag sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko. Nananatili ring nakatuon ang SPD sa pagtataguyod at pangangalaga sa karapatang pantao ng bawat indibidwal habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, ipinatupad ng mga nakatalagang pulis ang itinakdang security protocols sa pamamagitan ng pagpigil sa mga kalahok ng rally na makapasok sa itinakdang control point.
Sa sumunod na kaguluhan, nagkaroon ng tulakan sa pagitan ng ilang kalahok ng rally at mga pulis habang pinananatili ang security perimeter. Ilang pulis din ang nagtamo ng pinsala sa naturang insidente. Hindi gumagamit ng karahasan ang Philippine National Police (PNP) laban sa sinumang indibidwal sa pagtupad ng kanilang legal na tungkulin, at lahat ng mga pulis ay inaatasang pairalin ang pinakamataas na antas ng pagpipigil sa sarili at mahigpit na sumunod sa umiiral na mga operational procedures sa lahat ng oras.
Gayunpaman, seryosong tinatrato ng SPD ang lahat ng alegasyon laban sa kanilang mga tauhan kasabay ng kasalukuyang pagsasagawa ng isang imbestigasyon upang mabatid ang buong katotohanan at mga pangyayaring nakapalibot sa insidente kung saan ang imbestigasyon ay isasagawa nang patas, walang kinikilingan, at alinsunod sa itinakdang proseso ng batas (due process).
Hindi kinukunsinti o pinahihintulutan ng SPD ang anumang gawaing lumalabag sa karapatan ng sinumang tao o hindi naaayon sa pamantayan ng propesyonalismo na inaasahan sa bawat miyembro ng PNP.
Kung mapatutunayan sa imbestigasyon na may sinumang pulis na nagkasala ng maling asal o lumabag sa umiiral na mga batas, patakaran, o alituntunin, agad na isasagawa ang nararapat na administratibo at legal na hakbang laban sa mga mapatutunayang may pananagutan.
Nananatiling nakatuon ang SPDsa pagsusulong ng transparency, pananagutan, pangangalaga sa karapatang pantao, at pagpapatibay ng isang propesyonal na ugnayan sa media bilang mga katuwang sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko, habang tinitiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat. (James I. Catapusan)